June 16th, 2008
Higanti
Hindi na ligtas na magpahayag ng damdamin. Bagamat bawat sandali ay pinipigilan ko ang aking sarili na sabihin ang mga salitang ito. Maraming mga matang nakamasid, bawat letra ng isinusulat ko ay hindi nakakalampas sa mga matang mapanuri.
Bawat araw na nagdaan napagnilaynilayan ko na may mga bagay sa mundo na mahirap talikuran, gayun din naman simulan ang isang makabagong pagkatao. Naalala ko pa noonng talikuran ko ang isang kahibangan na dulot ng nakalalasong pag-ibig. Bawat araw ay unti-unti kang pinapatay ng mga alaala na matagal mo ng nilunok upang sabihin na malakas ka.
Gumising ka sa kinaroroonan kung saan matagal mong di nasilayan, na may mga tao palang nagmamahal sayo na higit pa sa inaakala mo. Dinama mo ang bawat ngiti na gumuguhit sa iyong labi maipakita lamang na hindi ka nagiisa.
Sa una ay tuwang tuwa ka na marami sa kanila ang nais alagaan ang iyong puso kayat bawat magalok ay binibigyan mo ng pagkakataon. Ngunit hindi mo maitatanggi sa iyong sarili na nababalot ka ng paghihiganti. Alam mo sa simula pa lamang ng laro ay wala sa mga ito ang nais mong makasama pang habang buhay. Masaya ka lamang sa pag-ibig na kanilang inaalok ngunit alam mong walang sinuman ang may puwang sa puso mo.
Ngunit habang tumatagal unti-unti ka ng nilalamon ng iyong kwento sapagkat naiinis ka na sa mga taong ito na pilit ipinagsisiksikan ang kanilang sarili. Wala kang paraan upang itigil na ang mga kahibangan na ito sapagkat ito ay iyong nasimulan na. Masama man ngunit bahala na. Sa mga pagkakataong ito alam kong ginusto ko ito upang maipakita sa kanya na hindi lamang siya ang may karapatang gawin ang lahat ng mga katiwalian na isinisigaw ng lipunan.
Magpaasa? Hindi bat ikaw ang nagturo nyan sa akin. Manlinlang? Hindi bat nagagalak ang iyong puso habang pinaiikot mo ako sa iyong kamay. Iwanan? Hindi bat sabi mo kung masakit ang pag-ibig dapat na itong kalimutan. Ngayon hayaan mo ang mga turo mo ay magsilbing aral at maipadama ang sakit sa mga kauri mo.








