Entries for June, 2008

June 1st, 2008

Entablado

        Dahan-dahan niyang tinatahak ang daan patungong pasilyo ng kanilang auditorium. Tahimik ang buong koridor na nababalot ng kaunting sinag ng liwanag na tumatagos sa bawat sulok ng tanghalan, Ito ay nagmumula sa poste ng ilaw na nakatayo sa harap ng kanilang gusali.


         Alas siyete na ng gabi ng kanyang mapansin ang oras  na nakasabit malapit sa labas ng dingding ng isang kwarto. Galing pa siya mula sa kanilang pageensayo sa dulaang kanyang gaganapan bilang si “Marites” isang estudyante na tinanggalan ng puri ng kanyang manliligaw pagkatapos siyang gahasain at patayin. Ang bawat eksena sa kanilang praktis ay malinaw na malinaw sa kanyang gunita. Ang bawat script na kanilang binibigkas ay halos makatotohanan. Ang mga actor at aktres na kanyang kasama ay sadyang mga batikan na sa larangan ng dulaang entablado. Simula ng kinuha niya ang kursong “Theatre and Arts” nabago na ang istilo ng kanyang pamumuhay. Parati na siyang umuuwi ng gabi o di kaya ay madaling araw na.
Habang sa loob ng pasilyo ay binibigkas niya ang mga linyang “Hindi ako sasama sayo. Hindi ako sumasama sa mga katulad mo!.” Ngumiti siya sa salamin at sinuklay ang kanyang mahabang buhok. Ito na ang simula ng mga pangarap ko. Magiging isa akong magaling na aktres. Makikilala ng maraming tao". Sambit niya sa kanyang sarili. Habang inaayos niya ang mga gamit sa kanyang bag nakarinig siya ng mga boses na nagmumula sa labas. Maya maya pa ay nakarinig siya ng mga sigawan. Dahan-dahan siyang lumapit sa pintuan upang silipin kung anong ingay ang nangyayari doon. Nakita niya ang isang babae at lalake na nasisinigan ng kaunting liwanag mula sa labas ng gusali. Pinakinggan niya ang bawat salita na sinasambit ng dalawa. “Ano pa bang gusto mo?” tanong ng lalake “Ang lumayo ka na. Yun ang gusto ko!” sagot ng babae. “Hindi pa ba sapat ang mga binigay ko sayo? Ano bang meron dun sa boyfriend mo na wala ako!” galit na bigkas ng lalake. “Hindi kita mahal at hindi kita kayang mahalin. Kaya layuan mo na ako!” sigaw ng babae. Maya maya pa ay biglang nawala ang mga boses. Agad na kinuha niya ang kanyang mga gamit at nagmamadaling lumabas ng pasilyo ngunit biglang pumasok ang babae at lalake sa lugar kung saan siya naroroon. Hawak hawak ng lalake ang buhok at leeg ng babae habang nakatutok ang mga patalim sa dibdib ng babae. Takot na takot siya at nagsisigaw “Itigil mo yan!!! Maawa ka sa kanya.” Ngunit hindi siya pinapansin ng lalake. Pumasok ang dalawa sa isang pasilyo at nakita niyang pinaghuhubadhubaran ng lalake ang babae. Sumisigaw ito ng “Tulong!!! Tulungan ninyo ako!. Maawa ka sakin!!”. Nanigas ang kanyang mga paa at hindi na ito kumikilos sa kanyang pagkakatayo. Pinagmamasdan lamang niya ang bawat malagim na eksena na nagyayari mismo sa kanyang harapan. Maya maya pa ay sinaksak ng lalake ang babae. Sumigaw siya ng sumigaw at sinipa ang lalake sa likuran nito ngunit sa kanyang pagtataka ay tumatagos lamang ang bawat tadyak niya dito. Bigla siyang natigilan at nagtatatakbo palabas.


          Mabilis ang kanyang takbo hanggat nakarating siya sa sa sakayan. Doon ay takot na takot siya habang inaalala ang mga nasaksihan sa Auditorium. Nagmamadali siyang sumakay ng jeep at  umuwi na.

         Kinabukasan sa Auditorium ay takot na takot pa rin siya sa kanyang nasaksihan habang paulit ulit niyang ginugunita ang mga nanyari. Ngunit sa kanyang pagtataka wala ni isa sa kanyang mga kasamahan ang nagsasalita ukol sa kanyang nakita. Itinanong niya sa kanyang kasamahan kung wala ba silang nabalitaan na nanyari noong gabi. Ikinuwento niya ang lahat ng mga ito mula sa simula. Ngunit lahat ng mga ito ay tumawa lamang. “Bakit anong nakakatawa sa kwento ko? Totoo lahat ng nakita ko. Maniwala kayo sa akin, kung gusto ninyo puntahan natin sa pasilyo nito. Nandun ang bangkay ng babae” wika niya. Ngunit isa sa mga kasamahan niya ang nagsalita “Bakit hindi kami matatawa eh yan ang kwento sa ating dulaan. Basahin mong muli ang scrift. Baka nakakaligtaan mong ikaw ang gaganap na Marites” natatawa nitong sinabi. Doon bumalik sa kanyang alaala ang mga nanyari. Nagtatakbo siya habang umiiyak palabas ng auditorium. Doon ay nakasalubong nya ang kanyang boyfriend. Tinanong nito kung anong nanyayari sa kanya. Matagal siyang nanahimik at tinignan ang muka ng kanyang boyfriend. Itinulak niya ito at sinabi “Ang laking kasalanan ko ng pagmasdan lamang kita habang pinapatay si Marites, para lamang mapunta ka sa akin at ang pagtakpan ka sa krimen na nagawa mo!. At ngayon ako ang gumaganap sa papel nya!”. 
 

Currently listening to: Always be my baby
Currently reading: Inscribed under: FICTION (Maikling kwento)
Currently watching: lovers
Currently feeling: scared

June 16th, 2008

Higanti

        Hindi na ligtas na magpahayag ng damdamin. Bagamat bawat sandali ay pinipigilan ko ang aking sarili na sabihin  ang mga salitang ito. Maraming mga matang nakamasid, bawat letra ng isinusulat ko ay hindi nakakalampas sa mga matang mapanuri.

       Bawat araw na nagdaan napagnilaynilayan ko na may mga bagay sa mundo na mahirap talikuran, gayun din naman simulan ang isang makabagong pagkatao. Naalala ko pa noonng talikuran ko ang isang kahibangan na dulot ng nakalalasong pag-ibig. Bawat araw ay unti-unti kang pinapatay ng mga alaala na matagal mo ng nilunok upang sabihin na malakas ka.

       Gumising ka sa kinaroroonan kung saan matagal mong di nasilayan, na may mga tao palang nagmamahal sayo na higit pa sa inaakala mo. Dinama mo ang bawat ngiti na gumuguhit sa iyong labi maipakita lamang na hindi ka nagiisa. 

        Sa una ay tuwang tuwa ka na marami sa kanila ang nais alagaan ang iyong puso kayat bawat magalok ay binibigyan mo ng pagkakataon. Ngunit hindi mo maitatanggi sa iyong sarili na nababalot ka ng paghihiganti. Alam mo sa simula pa lamang ng laro ay wala sa mga ito ang nais mong makasama pang habang buhay. Masaya ka lamang sa pag-ibig na kanilang inaalok ngunit alam mong walang sinuman ang may puwang sa puso mo. 

         Ngunit habang tumatagal unti-unti ka ng nilalamon ng iyong kwento sapagkat naiinis ka na sa mga taong ito na pilit ipinagsisiksikan ang kanilang sarili. Wala kang paraan upang itigil na ang mga kahibangan na ito sapagkat ito ay iyong nasimulan na. Masama man ngunit bahala na. Sa mga pagkakataong ito alam kong ginusto ko ito upang maipakita sa kanya na hindi lamang siya ang may karapatang gawin ang lahat ng mga katiwalian na isinisigaw ng lipunan. 

        Magpaasa? Hindi bat ikaw ang nagturo nyan sa akin. Manlinlang? Hindi bat nagagalak ang iyong puso habang pinaiikot mo ako sa iyong kamay. Iwanan? Hindi bat sabi mo kung masakit ang pag-ibig dapat na itong kalimutan. Ngayon hayaan mo ang mga turo mo ay magsilbing aral at maipadama ang sakit sa mga kauri mo. 


Currently listening to: Always be my baby-David Cook
Currently reading: Inscribed Under: Tagalog Literature
Currently feeling: satisfied
Posted by walongbote at 04:04 AM in bloGtrippin | 16 yumakap sa alak